Batasang Pambansa, Quezon City – Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, 2025 ang kahalagahan ng malalaking proyektong pang-irigasyon at paggamit ng renewable energy upang mas mapalakas pa ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025, nakapagtala ang National Irrigation Administration (NIA), Department of Agriculture (DA), at Department of Agrarian Reform (DAR) ng 63,359 ektarya ng new irrigated areas at 44,160 ektarya ng restored areas. Sa kabuuan, 88,646 ektarya ng lupang pansakahan ang napatutubigan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, na may 1.27 milyong magsasakang benepisyaryo.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong napagtagumpayan ng NIA ay ang P5.133-bilyong Malitubog-Maridagao Irrigation Project – Stage II (MMIP-II) sa Bayan ng Pikit, Cotabato. Ito ay may service area na 9,528 ektarya at 4,000 magsasakang benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Cotabato at Maguindanao del Sur.
Ipinatutupad din ng NIA ang pagtatayo ng solar-powered pump irrigation projects (SPIPs) na bahagi ng climate-smart irrigation agenda ni NIA Administrator Engr. Eddie G. Guillen. Ang pinakamalaki sa mga ito ay ang P65.7-milyong Cabaruan SPIP sa Bayan ng Quirino, Isabela na may service area na 350 ektarya at 237 magsasakang benepisyaryo. Dahil sa solar projects ng Ahensiya, nakatitipid ang mga magsasaka dahil hindi na nila kinakailangan pang gumastos nang malaki sa pagbili ng krudo o gasolina.
Samantala, ang Jalaur River Multipurpose Project – Stage II (JRMP-II) sa Bayan ng Calinog, Iloilo ay nakapaghahatid ng maaasahang serbisyong patubig sa halos 32,000 ektarya ng lupain kung saan nakikinabang ang 25,000 magsasaka. Bukod sa irigasyon, makatutulong ang nabanggit na proyekto sa pagkontrol ng baha, paglikha ng kuryente, at pagpapaunlad ng pangisdaan at turismo sa lalawigan.
Sa patuloy na pagpapaigting ng mga proyektong pang-irigasyon, hindi lamang mapatataas ang ani at kita ng mga bagong bayaning magsasaka kundi maitataguyod din ang mas makabago at mas matatag na sektor ng agrikultura sa bansa.
#bayaNIAn sa #BagongPilipinas
Irrigation Expansion (DA, DAR, and NIA) Photo Courtesy of Presidential Communications Office
Inagurasyon ng MMIP-II sa Bayan ng Pikit, Cotabato noong Abril 29, 2024
Inagurasyon ng MMIP-II sa Bayan ng Pikit, Cotabato noong Abril 29, 2024
Pagpapasinaya ng Cabaruan SPIP sa Bayan ng Quirino, Isabela noong Hunyo 10, 2024
Pagpapasinaya ng Cabaruan SPIP sa Bayan ng Quirino, Isabela noong Hunyo 10, 2024